Kirot at pighati ang hatid ng isang babae sa mga netizen matapos ibinahagi ang kanyang istorya tungkol sa namaalam niyang matalik na kaibigan na manok. 

Si Marielle ay taga Cavite at agad na nag viral ang kanyang ibinahaging kwento sa kanyang Facebook account sa mga hindi malilimutang alaala niya kasama si Chichi. 

Ayon kay Marielle, dumating sa kanyang buhay si Chichi noong taong 2011 na kung saan nakuha niya sa isang fiesta.

Mula noon, naging parte na si Chichi sa buhay ni Marielle. Mula sa kanyang pagtatapos sa kolehiyo maging sa panahon na nagkaroon na siya ng trabaho. 

Naikwento rin ni Marielle ang mga natatanging katangian ni Chichi na tiyak nami-miss niya sa araw-araw.

Kwento ni Marielle, matalinong manok si Chichi. Sa katunayan, tila naging aso raw umano ito dahil sa tuwing may papasok sa kanilang bahay na hindi nila kilala, tatakutin o tutukain ng kanyang alaga.

Dagdag pa niya, hindi siya nahirapan kay Chichi sa pagpapakain nito dahil kusa na lang umano itong pupunta sa kanilang kusina kapag alas 12 na para kumain. 

"Pag may nag-aaway sa bahay, sumisigaw yan parang gusto niyang pigilan yung nag-aaway ba. Pag nakarinig yan ng tunog ng plastic, humahaba yung leeg niya kasi alam niyang may kumakain," kwento pa ni Marielle.

"Gustong gustong awayin ni Chichi yung tsinelas, di ko alam kung baket hahaha," aniya pa.

At noong November 2021, nagsimulang magkasakit si Chichi. Lahad pa ni Marielle, sobrang nalungkot siya sa sinapit ng kanyang alaga.

Pumunta pa umano siya sa mga kakilala niyang nag-aalaga din ng mga manok para malaman niya kung paano gamutin si Chichi dahil walang avian veterinarian sa kanila.

Hanggang nitong February 23 lang, labis na nadurog ang puso ni Marielle nang tuluyan nang namaalam sa kanya ang kanyang pinakamamahal na alaga.


Nag iwan ng mensahe si Marielle para sa kanyang namaalam na alaga na itinuturing niyang matalik na kaibigan.

"Chichi..mamiss ko ang mga yakap mo, ang amoy mo, ang presensya mo, ang boses mo. Miss na miss kita ngayon pa lang. [Alam] ko na mas maalagaan ka ni Lord jan, mas sobra pa sa nagawa ko para sayo. Wait mo ko jan ha? I love you so much, Chichi," aniya. 

Maraming mga netizen ang naantig sa kakaibang kwento ni Marielle. Nasanayan kasi ng marami na aso o pusa ang mga ginagawang alaga sa bahay. 

Sa ngayon, umabot na sa 175K reactions, 16K comments at 130K shares ang Facebook post ni Marielle.