Isang 22 taong gulang na pastor sa bansang Zambia ang wala nang buhay nang mahukay ng mga awtoridad tatlong araw matapos na boluntaryo itong magpalibing ng buhay sa mga kasamahan nito sa simbahan. 

Ayon kay James Sakara, nagpalibing ito ng buhay sa lupa dahil gaya ni Hesus, mabubuhay umano ulit siya pagkatapos ng tatlong araw. 

Pinilit at kinumbinse nito ang kanyang mga kasamahan at tagasunod sa Zion Church sa Chidiza, Zambian na tulungan siyang ilibing ang sarili at papatunayan niya umank sa mga ito na kagaya ni Hesus ay babangon siya at mabubuhay matapos ang tatlong araw.

Ani pa umano ni Sakara noon sa kanyang mga tagasunod, “I will prove the miracle of the second resurrection after the resurrection of Christ.”

Ngunit, hindi ganito ang kinalabasan ng ginawa ng pastor. Matapos ang tatlong araw, hinukay ulit ang katawan ni Sakara ng kanyang mga kasamahan sa simbahan ngunit, tumambad sa mga ito ang wala nang buhay na katawan ng pastor.

Sinubukan pa ng mga ito na mabuhay si Sakara sa pamamagitan ng pagsasagawa ng ilang mga ritwal sa simbahan at pagkanta ngunit, hindi na bumangon o nabuhay pa ang pastor. Hindi nito natupad ang pangako na gaya ni Hesus ay babangon ito sa pangatlong araw matapos niyang mailibing.

Ayon sa ulat, noong una ay hindi umano naniniwala sa pastor ang kanyang mga kasamahan sa simbahan. Hindi sumuporta ang mga ito sa plano ni Sakara at mas lalong hindi rin sang-ayon ang mga ito na tulungan si Sakara na ilibing ang sarili ng buhay.

Sinubukan pa raw ng mga ito na pigilan si Sakara sa kanyang plano ngunit, buo na ang desisyon nito at kampante na mangyayari ang ipinangako nito na muli siyang mabubuhay matapos ang ilang araw.

Kalaunan ay tatlong lalaki nga ang lakas-loob na nagboluntrayo na tulungan ang pastor na ilibing ang sarili. Tinulungan nila ito na maghukay sa lupa malapit sa bahay ng pastor. Bago gawin ang paglilibing nito sa sarili ng buhay, ani pa raw ni Sakara,

“O you of little faith, bury this Saqqara you are seeing now… I will wake up from the dead and breathe again.”

Dahil sa nangyari sa batang pastor, pinaghahanap na ngayon ng mga pulis ang mga taong naging bahagi ng ginawang paglilibing kay Sakara ng buhay. Ayon sa ulat, isa sa tatlong taong pinaghahanap ang lumitaw na sa mga kapulisan habang ang dalawang iba pa ay patuloy na pinaghahanap ng mga awtoridad.

Naiwan ni Sakara ang kanyang misis na kasalukuyan pang ipinagbubuntis ang kanilang anak. Maliban dito, marami sa kanyang mga tagasunod ang naguguluhan din sa nangyari kay Sakara.

Hindi naman ito ang unang insidente na nangyari kung saan, ipinangako ng ilang tao na kaya rin nilang mabuhay matapos ang tatlong araw. Ngunit, natuklasan na mayroong pandaraya sa mga ito. 

Maaaring tanging si Sakara pa lamang sa Zambia o Africa ang matapang na ibinuwis ang buhay para patunayan ang kanyang pananampalataya at patunayan na gaya ni Hesus ay kaya niya ring magmilagro at mabuhay muli.

Source: facebook